Latest News

Pilipinas VisMin Super Cup Pro-Basketball League Na

Isama na ang Pilipinas VisMin Super Cup sa hanay ng mga bagong ligang propesyonal na basketball sa bansa. Planong magbukas ngayong 2021, ito na rin ang kauna-unahang ligang propesyonal na buhat sa Visayas o Mindanao.

Nakipagpulong na ang pamunuan ng liga kay Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham Mitra at malugod niyang tinanggap ang kanilang aplikasyon. Kailangan na lang na mahain ang hinihinging kumpletong papeles at dokumento bago ito ma-aprubahan.

Ang pagiging ligang pro ay malaking hakbang para sa Super Cup na isang ligang amateur noong una silang nagpakilala noong Oktubre. Sa ngayon, tanging ang professional sports lang ang pinapayagan ng pamahalaan balot ng mahigpit na health at safety protocol.

Ang Super Cup ay likha ng negosyanteng si Vicente Guingona kasama ang kanyang mga Head of Basketball Operations na sina Coach Marvin Caro para sa Visayas at Rocky Chan para sa Mindanao. Kasalukuyang may tinitingnan silang mga kandidato para maging unang Commissioner ng liga.

Ilang mga lungsod na ang nagpahiwatig ng kanilang nais na magtayo ng koponan. Ang mga ito ay ang Cebu, Mandaue, Iloilo at Dumaguete sa Visayas at Davao, Iligan, Cagayan de Oro, Zamboanga, Pagadian at mga munisipyo ng Sindangan at President Manuel A. Roxas sa Zamboanga del Norte at Tagaloan, Misamis Oriental sa Mindanao.

Layunin ng Super Cup na tumuklas at bigyan ng pagkakataon ang mga manlalaro sa mga lalawigan. Nais din nilang takpan ang malaking puwang na ilang taon na walang malaking palaro o liga sa kanilang bahagi ng bansa.

 

Source: Bulgar Online

Leave a Reply